6.3.12

Si Ben


Mukhang malungkot ang langit, wari ni Ben, habang nilalakabay niya ang daan patungo sa sakayan ng van. Pauwi na ang call center agent galing sa trabaho at saglit na pamamasyal. Sa unang sipat, hindi naman maitatanggi na may hitsura si Ben, ngunit dahil na rin sa pagiging abala sa kanyang trabaho, hindi na niya kayang gumawa ng oras para sa pag-aayos. Sabi niya nga sa mga katrabaho ” Sa syota, wala ka nang sweldo, ubos pa ang oras mo. Pero sa trabaho, bayad ang oras ko”
Pero kahit itanggi niya ng paulit-ulit, hindi niya kayang lokohin ang sarili. Malungkot si Ben. Sa loob ng tatlong taon, binuhos niya oras sa trabaho. Para makalimutan na rin siguro ang pagkamatay ni Jenifer, ang kanyang karelasyon simula highschool. 
Halos gumuho ang mundo ni Ben sa pagkawala ni Jenifer, walong taon na sila, at may balak na magpakasal. Ngunit isang gabi, habang pauwi galing sa school, hinoldup, nirape at pinatay si Jenifer. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Jenifer, at hanggang ngayon sinisisi pa rin ni Ben ang sarili.
Nawalan na rin ng pag-asa sa pagibig si Ben, ani niya, lahat ng umiibig nagiging sawi. 
Ngunit iba ang gabing ito, iba ang pakiramdam niya. Malamig na hangin ang nasa paligid, halos walang bituin sa langit. 
Narating na ni Ben ang sakayan at agad na nagbayad at sumakay. Dalawang pasahero na lang ang hinihintay at lalarga na ang van, maswerte si Ben at nakaabot siya. Ilang saglit pa ay isang babaeng sumakay at tumabi kay Ben. Maganda ang babae, nakasuot na pulang t-shirt, ang paboritong kulay ni Ben. Pero batid niya ang kalungkutan sa mukha nito, para bang humihingi na tulong. 
Kasabay ng pagalis ng sasakyan ay ang pagbuhos ng ulan. At parang nangungutya talaga ang pagkakataon dahil tumutugtog sa radyo ang isang malungkot na kanta para sa mga sawi sa pag-big na wari’y pinariringgan si Ben, at sa tingin ni Ben pati ang babaeng nakapula.
Gustong makipagusap ni Ben sa babae, at nararamdamn din ito ng babaeng nakapula. 


Ramdam niya ang bawat hinga ng lalaking katabi niya, na para bang may gustong ipahiwatig. Nais niya man na kausapin ito, may anong bagay sa paligid na pumipigil sa kanya. Malungkot ang araw na pinagdaanan ng babae. Sa mundong kanyang ginagalawan, normal na lang sana ang mga pangyayari, ngunit iba, iba ang nararamdaman niya ngayon.
Tumugtog pa rin ang malungkot na musika at bumubuhos pa rin ang malaks na ulan. Bawat segundong lumilipas ay parang parusa sa dalawang malungkot na kaluluwa. Sa mundo kung saan walang kasiguraduhan, duwag silang sumasabay sa agos. Takot na baka sa pag-langoy nila, sa pag-laban nila, ay maiwan silang mag-isa at sugatan sa dalampasigan at nagsisisi kung bakit pa sila lumaban. 
Tahimik pa rin nilang nilalakbay ang daan pauwi. At kada ikot ng gulong ay parang maingay na sermon sa dalawang kaluluwang nag-aalangan. Wari’y nagpapahiwatig na ang buhay ay hindi laging magulo, hindi laging malungkot. Na ang buhay ay sasaya kung masaya kang mabubuhay. Na ang mga pag-subok ang isang paalala na may masayang kapalit ang lahat ng paghihirap. Na sa buhay, isang masarap na putahe ang pag-ibig. Ngunit binging pinakikinggan ito ng dalawang kaluluwa.
Uumpisahan na sana ni Ben ang usapan, ngunit pumara na agad ang babae. Ngunit bago bumaba, humarap ito kay Ben “Lily, Lily ang pangalan ko” at agad na inihakbang ang paa palabas.
Ngiti ang bumabalot sa mukha ni Ben, ito na marahil ang dahilan kung bakit iba ang kanyang pakiramdam. Patuloy pa rin ang kanila paglalakbay, patuloy pa rin ang pag-buhos ng ulan, ngunit wala na ang malungkot na musika. Malayo na ang nararating na pag-iisip ni Ben, nang may kung anong liwanag ang bumalot sa buo niyang pagkatao. Ang unti-unti, nakaramdam siya ng ligaya.
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Nagising si Ben sa isang di pamilyar na kwarto. Naamoy niya ang pag-luluto sa labas, Adobo, ang kanyang paboritong ulam. Agad na lumabas si Ben at nagulat sa kanyang nakita.
Ang kanyang ina ay nagluluto, ang kanyang ama naman ay nagbabasa ng diyaryo sa may sofa, at biglang may pumasok sa loob ng bahay. Isang pamilyar na mukha, si Jenifer.
“Gising ka na pala Ben, kamusta ang tulog?”

0 (mga) puna:

Post a Comment